Pinag-iingat ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang mga residenteng nakatira sa landslide-prone areas kasunod ng magnitude 6.7 na lindol.
Ayon kay Lito Castro, pinuno ng Batangas PDRRMO, posibleng gumuho ang lupa dahil ilang araw ng malambot ito bunga na rin ng ilang araw na pag-ulan dulot ng Habagat.
Pero sinabi ni Castro na inilikas na ang mga residente sa mga lugar na maaaring magkaroon ng landslides maging ang mga nasa low-lying areas.
Calatagan Batangas Mayor Peter Oliver Palacio, inatasan na ang mga punong barangay na alamin ang sitwasyon sa kanilang lugar lalo na sa coastal barangay.
Sinabi naman ni Batangas Vice Governor Mark Leviste, naka-antabay sila sa mga assessment mula sa mga local government units (LGU).
Isa rin sa pinangangambahan ni Leviste ay kung may kaugnayan ito sa aktibidad ng Bulkang Taal.
Nagkaroon na sila ng pre-emptive evacuation sa mga coastal areas ng Western Batangas tulad ng Calatagan, Lian at Nasugbu.
Pinayuhan ng mga naturang opisyal ang mga residente na huwag mag-panic at manatiling alerto sa harap ng mga kalamidad.
Sa ngayon, wala pa silang naitatalang pinsala mula sa lindol.