
Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga residente sa coastal areas na umiwas muna sa anumang water activities at huwag pumalaot, lalo na ang mga gumagamit ng maliliit na bangka, kasabay ng patuloy na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa programang Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PCG Spokesperson Capt. Noemie Cayabyab na nananatiling naka-red alert status ang ahensya.
Mahigpit na paalala rin niya na makinig at sumunod sa abiso ng mga otoridad upang maiwasan ang trahedya sa karagatan.
Patuloy ding mino-monitor ng PCG ang 48 vessels at 14 bangka na nakadaong, habang nananatiling suspendido ang paglalayag sa Northwestern at Northeastern Luzon.
Bagama’t wala nang stranded na pasahero sa mga pantalan, binigyang-diin ng PCG na mahalagang manatiling updated ang publiko sa lagay ng panahon at umiwas sa anumang aktibidad na maaaring maglagay sa kanila sa peligro.









