Mga residente sa lungsod ng Maynila, muling pinag-iingat dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19

Muling nagpaalala si Mayor Isko Moreno sa mga residente sa lungsod ng Maynila na magdoble-ingat, sumunod sa ipinapatupad na health protocols at hangga’t maaari ay manatili sa loob ng tinutuluyang bahay lalo na ngayong nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila.

Ito’y dahil sa patuloy na pagtaas muli ng bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Base sa datos ng Manila Health Department (MHD), pumalo na sa 1,379 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod na mas mataas ng 63% kumpara noong nakaraang linggo na may kabuuang bilang na 870 bago ipatupad ang unang araw ng ECQ.


Ayon pa kay Mayor Isko, nasa 64% na ang occupancy rate ng COVID-19 beds sa anim na district hospital kung saan okupado na ang may 314 COVID beds sa kabuuang bilang na 491 na inilaan sa mga pasyente.

Nasa 86% naman ang occupancy rate sa Manila COVID-19 Field Hospital sa Luneta kung saan 297 COVID beds na ang okupado mula sa kabuuang bilang na 344 habang nasa 21% ang occupancy rate sa mga quarantine facility sa lungsod.

Facebook Comments