Inaasahang aabot sa isang milyon sa loob ng anim na buwan ang bilang ng mga residente sa Metro Manila na mag-eenroll sa Balik Probinsiya program ng pamahalaan.
Kasunod ito ng nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na Executive Order na bubuo sa Balik Probinsiya, Bagong Pag-Asa Council na layong mapaluwag ang Metro Manila at maisulong ang development ng mga lalawigan.
Ayon kay National Housing Authority (NHA) General Manager Marcelino Escalada Jr. – 5,000 katao na ang nag-enroll sa programa mula nang magbukas ang aplikasyon para rito noong nakaraang biyernes.
Aniya, walong local governments ang nagpahayag ng interes sa programa, kabilang ang Leyte, Camarines Sur, Zamboanga del Norte, Bukidnon, Lanao del Norte, Pangasinan, Quirino at Marinduque.
Sinabi pa ni Escalada, na mayroon na silang istratehiya para sa agarang aksyon at para sa long term nito.
Ang una ay para sa mga taong nais bumalik sa kanilang mga lalawigan hanggang sa pagtatapos ng taon habang dadating ang mga inobasyon kasama ang mga bagong programa at bagong appropriation sa susunod na taon.
Tiniyak din ni Escalada na boluntaryo ang programa at makatatanggap ng benepisyo ang mga tumatanggap na local government units.