
Muling pinag-iingat ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Quezon ang mga residente laban sa sakit na dengue at hand, foot and mouth disease (HFMD) matapos makapagtala ng pagtaas ng mga kaso nito.
Sa datos ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, mula January 1 hanggang 15, 2026, nakapagtala ng 218 kaso ng dengue.
Pinakapektado ang mga edad 20 taon pababa (44 cases), kung saan nangunguna ang District 2 sa may pinakamataas na bilang ng dengue cases na mayroong 25 kaso.
Bagama’t nasa 218 ang bilang ng mga kaso, wala naman naitatalang nasawi na tinamaan ng dengue.
Samantala, nasa 17 kaso naman ng hand, foot and mouth disease (HFMD) ang naitala sa kaparehong panahon, at ang District 2 rin ang may pinakamataas na bilang na nasa pito ang kaso.
Sa nasabing mga kaso ng HFMD, 11 sa mga ito ay lalaki at anim ang babae, habang 10 sa kabuuang bilang ng mga kaso ay edad tatlong taon pababa.
Mahigpit naman ang paalala ng Quezon City Local Government Unit (QC LGU) na gawin ang mga tamang pag-iingat upang maprotektahan ang sarili laban sa HFMD at dengue.










