Nagbabala ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga residenteng nakatira sa mababang lugar at malapit sa Ipo, Ambuklao, Binga at Magat dam sa posibleng pagbaha.
Ito ay dahil patuloy pa rin ang pagpapakawala ng tubig mula sa mga reservoirs na resulta ng matinding ibinagsak na ulan ng Bagyong Ulysses.
Ang spillway gates ng apat na dam ay binuksan nitong Biyernes para magpalabas ng tubig mula sa mga watersheds matapos umabot sa spilling levels.
Ang water level sa Ipo Dam ay bumaba sa 100.68 meters mula sa 101.20 meters na naitala noong Martes.
Ang mga lugar na maaapektuhan ng Ipo Dam ay mga bayan ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, at Plaridel.
Walong gates ang binuksan sa Ambuklao Dam matapos umabot sa 751.25 meters ang lebel ng tubig.
Ang Binga Dam ay nagbukas ng anim na gates kung saan nasa 572.02 meters ang water level nito.
Posibleng maapektuhan ng pagbaha ang mga Barangay ng Dalupirip at Tinongdan sa Bayan ng Itogon, Benguet.
Nagpakawala na rin ng tubig ang Magat Dam sa Isabela Province matapos magbukas ng pitong gates at umabot sa 192.70 meters ang lebel ng tubig.
Inaabisuhan ang mga residente sa mga Bayan ng Ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Burgos, Naguilian, at Gamu sa posibleng pagbaha sa kanilang lugar.
Patuloy ring binabantayan ng PAGASA sa iba pang dams sa bansa tulad ng Angat, La Mesa, San Roque, Pantabangan, at Caliraya Dam.