Mga residenteng naapektuhan ng lindol sa Masbate, dapat manatiling sundin ang health protocols; tulong, tiniyak ng Palasyo

Tiniyak ng Malacañang na makakarating ang tulong sa mga residente ng Masbate pero pinaaalahanan sila na sumunod sa social distancing habang sila ay nananatili sa evacuation centers.

Nabatid na niyanig ng magnitude 6.6 na lindol ang lalawigan noong Martes, na sinundad ng magnitude 5.2 aftershock kahapon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang tulong ay naka-prepositioned at inihahatid na sa mga apektadong residente.


Kabilang sa mga tulong na ibibigay ay food packs, inuming tubig, kumot at iba pang kailangan sa resettlement areas.

Nakikipag-ugnayan ang Palasyo sa local government ng Masbate lalo na sa bayan ng Cataingan kung saan pinakamatinding naapektuhan ng pagyanig.

Nagpaalala rin si Roque sa mga residente lalo na sa mga nananatili sa evacuation centers na panatilihin ang social distancing.

Kahit mababa ang bilang ng COVID-19 cases sa lalawigan, hindi dapat magpakampante ang mga residente.

Facebook Comments