
Binalaan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang lahat ng residente na naninirahan sa baybayin ng Laguna de Bay.
Nanatiling nasa pinakamataas na lebel ang tubig sa lawa simula pa ng malalakas na pag-ulan noong nakaraang bagyo at hindi pa ito lubusang bumababa o humuhupa.
Ayon sa LLDA, inaasahan pa ang malakas na pag-ulan na maaaring magpataas ng lebel ng tubig ng hanggang 0.5 meters, lalo na’t tumama ang bagyo sa rehiyon ng CALABARZON.
Hinikayat ng ahensya ang lahat na kumilos agad upang maprotektahan ang sarili at ang kanilang mga pamilya.
Inabisuhan din ng LLDA ang mga mangingisda na ihinto muna ang lahat ng pangingisda at anumang aktibidad sa lawa.
Pinayuhan din silang maghanda ng emergency supplies tulad ng pagkain, tubig, at gamot.
Dapat ding suriin kung madaling bahain ang mga tahanan at alamin ang evacuation route. Mahigpit na ipinapaalala na sundin ang anumang evacuation order mula sa mga Local Government Unit (LGU).









