Mga residenteng nasunugan sa Sta. Cruz, Maynila, umaapela ng tulong

Umaapela ng karagdagang tulong ang mga residenteng nasunugan sa Brgy. 310, Zone-31 sa Sta. Criz, Maynila.

Ito’y dahil sa halos wala silang naisalbang gamit dahil mabilis na kumalat ang apoy na nagsimula ng alas-9:41 ng gabi na umabot ng ikalimang alarma at tuluyang naapula ng alas-6:24 ng umaga.

Nasa 500 pamilya o 1,500 indibidwal ang pansamantalang nananatili ngayon sa covered court ng barangay at sa gilid ng kalye kung saan nagpadala naman na ng makakain ang lokal na pamahalaan ng Maynila.


Ang nasabing insidente ay katabi lamang ng Manila City Jail kaya’t ang mga persons deprived of liberty (PDLs) na nasa south sector ay inilipat muna ng piitan dahil sa kapal ng usok na naranasan sa kasagsagan ng sunog.

Naibalik din ang halos 600 na PDLs sa kanilang selda kaninang umaga matapos makontrol ang apoy.

Tuloy pa rin ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog na tinatayang nasa higit P3.75 million ang halaga ng mga ari-arian na natupok.

Facebook Comments