Mga resolusyon ng papuri kay Yulo at iba pang Pinoy athlete na sumabak sa Paris Olympics, ipinasa ng Kamara

Tatlong resolusyon ang pinagtibay ng House of Representatives na bumabati at kumikilala kay double olympic gold medal winner Carlos Edriel Yulo, bronze medalists Nesthy Alcayde Petecio, at Aira Cordero Villegas, at lahat ng kasama sa 22 mga atleta na kumatawan sa Pilipinas sa 2024 Summer Olympics sa Paris, France.

Kabilang dito ang House Resolution No. 1864 na naggagawad kay Yulo ng Congressional Medal of Excellence na siyang pinakamataas na reward na ibinibigay ng Kamara sa mga Filipino achievers sa larangan ng sports, pagnenegosyo, science, at arts and culture.

Kasama ring pinagtibay ng Kamara ang resolusyon na naggagawad ng Congressional Medal of Distinction kina Petecio, na nanalo ng Bronze medal sa 57-kilogram boxing event, at Villegas, na nag-uwi ng Bronze medal sa 50-kilogram boxing competition.


Kasabay nito ay nagpahayag ng taus-pusong pagbati si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga Pinoy athletes para sa makasaysayang narating ng ating bansa sa katatapos na Olympics.

Ayon kay Romualdez, ang pagpwesto ng Pilipinas sa ika-37 sa pagtatapos ng Olympis lalo na ang pagkakamit natin ng dalawang gintong medalya at dalawang bronze medals ay nagpapakita ng hindi matatawarang dedikasyon ng ating mga atleta.

Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang inspirasyon na ibinigay sa milyong Pilipino ng iba pang atleta, gaya nina EJ Obiena at Bianca Pagdanganan, na muntik na ring magkamit ng medalya.

Facebook Comments