Naniniwala si Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Cassandra Ong, ang iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO, ay hindi dapat ginigipit ng mga mambabatas ang mga resource person na kanilang ipinapatawag upang bumalangkas ng panukalang batas.
Sa ginanap na forum sa Quezon City, sinabi ni Atty. Topacio na hindi dapat tinatakot at ginigipit ng mga mambabatas ang mga resource person na kanilang ipinapatawag dahil sa mayroon karapatan ang mga ito na tumanggi kung kinakailangan.
Aniya, ang hirap sa mga kongresista kapag hindi sumagot ang mga resource person ay sasabihin nila na ito ay nagsisinungaling.
Dagdag pa ni Atty. Topacio, hindi rin pwede umano ang mga mambabatas na mag-akusa, magdesisyon at magsentensiya.
Paliwanag pa ni Atty. Topacio, kapag pinag-subpoena ang mga resource person, ay dapat umanong lakipan ng proposed legislation kung ano ang batas na maaari nilang gawin.
Giit ni Topacio, ang legislative committee ay hindi hukuman kaya’t dapat aniyang gumawa sila ng batas na naaayon lamang sa makatwirang mga katanungan.