Umapela si Albay Rep. Edcel Lagman kay Pangulong Rodrigo Duterte na papanagutin ang mga responsable sa hindi tamang paggamit ng pondo ng bayan matapos na sitahin ng presidente sa kanyang weekly taped briefing ang Commission on Audit (COA).
Sa lingguhang briefing ng Pangulo ay sinabihan nito ang COA na tigilan ang pagbandera sa transaksyon ng gobyerno at pagsasapubliko ng report dahil mababahiran ang mga ahensya ng “corruption by perception”.
Giit ni Lagman, walang otoridad si Pangulong Rodrigo Duterte na patigilin ang COA sa pagganap nito sa constitutional mandate na tiyaking nagagamit ng wasto ang pondo ng bayan at ang pagsasapubliko sa resulta ng audit.
Sinabi ng kongresista na tila nakalimutan ni Pangulong Duterte na ang COA ay isang independent constitutional commission at wala itong pananagutan sa presidente.
Punto pa ng mambabatas na ang COA reports ay masinsinang dumaan sa review at may mga nakasuportang dokumento.
Obligasyon din aniya ng COA na i-disclose o isapubliko ang kapabayaan ng isang ahensya sa tamang paggugol sa public funds.
Kaya naman, sa halip aniya na higpitan ang galaw ng komisyon ay mas dapat pa ngang papanagutin ng ehekutibo ang mga opisyal na nasa likod ng isyu.