Pinag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso sa mga responsable sa nangyayaring oil spill sa Manila Bay.
Kasunod ito ng insidente ng paglubog at pagsadsad ng ilang barko sa bahagi ng Bataan mula pa noong mga nakaraang linggo.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sinisilip nilang magsampa ng class suit sa mga responsable sa Bataan oil spill na nakakaapekto ngayon sa libu-libong mga mangingisda.
Ang class suit sa ilalim ng rules of court ay inihahain kapag maraming tao ang apektado at mahihirapan kung dumalo ang lahat ng mga ito sa korte.
Samantala, ngayong Biyernes ay nagpulong na ang Oil Spill Inter-Agency Committee sa tanggapan ng Department of Justice na dinaluhan nina philippine Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gavan at Cavite Governor Jonvic Remulla.
Isa ang Cavite sa pinaka-apektado ng oil spill kung saan nauna nang ipinatupad ang fishing ban at nagdeklara ng state of calamity sa lalawigan.
Nagkakaroon ng oil spill ngayon sa Manila Bay mula sa MT Terra Nova na may kargang 1.4 million na litro ng langis, bukod pa sa MTKR Jason Bradley na may 5,500 litro ng diesel o krudo at ang MV Mirola 1 na sumadsad naman malapit sa bayan ng Mariveles.