Minamadali na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagbibigay ng ayuda sa mga retailer na maapektuhan ng price ceiling sa bigas.
Sa mensahe ng pangulo bago umalis kahapon patungong Indonesia sinabi nito na inaasikaso na ngayon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtukoy sa mga rice retailer o listahan ng mga retailer na bibigyan ng tulong pinansiyal.
Sinabi ng pangulo na nauunawaan niya ang hinaing ng mga retailer na nakabili ng mataas na presyo ng bigas at inaatasan ngayong ibaba ito sa 41 at 45 pesos kada kilo kaya naman papasok aniya ang tulong ng pamahalaan.
Ayon naman kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ang DA at DTI ang tutukoy sa mga pamantayan kung papano maging kwalipikadong retailer na bibigyan ng ayuda o sustainable livelihood fund at kung magkanong halaga ang ipamamahagi sa bawat isa.
Ayon sa kalihim, mayroong 6 na bilyong pisong pondo para sa sustainable livelihood program ang DSWD, nagamit na aniya ang iba rito ngunit may tira pa naman na maaring gamitin bilang tulong sa mga maliliit na rice retailer.