Iminungkahi ni Albay First District Representative Edcel Lagman na magsumite ang mga retailers ng bigas sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ng sinumpaang pahayag.
Magsasaad ito ng kasalukuyang imbentaryo ng bigas at kung anong presyo nila ito nabili.
Ayon kay Lagman, ito ay para mailatag ng gobyerno kung paano sila matutulungan sa idinadaing nilang nakaambang pagkalugi dahil sa pagpapatupad ng price ceiling sa bigas.
Diin ni Lagman, kailangang direktang bilhin ng National Food Authority (NFA) ang bigas na nasa imbentaryo ng mga retailers sa presyong mas mataas kumpara sa halaga na kanilang nabili.
Sabi ni Lagman, ang NFA na ang bahalang magbenta ng naturang mga bigas sa publiko sa presyo umaayon sa ipinapatupad na price ceiling kahit pa sila ay malugi.
Tiwala si Lagman, na ang nabanggit ay makakatulong sa mga retailers at consumers.