Nagpahayag ng suporta ang Association of General and Flag Officers Inc., hinggil sa pagtatayo ng apat pang karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sites sa bansa.
Ayon sa AGFO, ang EDCA ay isa sa mga mabisang mekanismo upang mapatatag ang alyansa sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos.
Naniniwala rin ang asosasyon na tumutupad ang Amerika sa pangako nitong hindi magtatayo ng permanenteng base militar sa Pilipinas sa halip gagamitin lamang ang karagdagang EDCA sites bilang pansamantalang himpilan.
Magagamit din anila ng Pilipinas ang EDCA sites na pagpapaganda ng mga pasilidad na siyang pakikinabangan din naman ng mga sundalong Pilipino kalaunan.
Samantala, kinikilala rin ng samahan ang pagkapanalo ng Pilipinas sa 2016 Arbitral ruling na siyang nagtataguyod sa layunin ng United Nations Convention on the Law of the Sea na siyang magagamit ng bansa upang igiit ang soberanya nito laban sa mga mananakop.