Dumagsa ang mga regalo, money rewards, at business offers sa Olympic silver medalist na si Nesthy Petecio, matapos nitong makamit ang ikalawang award sa patimpalak.
Sa ilalim ng Republic Act 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act na nilagdaan ni dating Pangulong Noynoy Aquino, ang mga Olympic silver medalist ay pagkakalooban ng pamahalaan ng P5 milyon.
Habang bukod pa rito, makatatanggap si Petecio ng P5 milyon mula sa Manny Pangilinan Sports Foundation, P5 milyong pledge mula sa business tycoon na si Ramon Ang at P2 milyon mula kay Rep. Mikee Romero.
Ginawaran naman ng Philippine Airlines (PAL) si Petecio ng habangbuhay na libreng paglalakbay sa himpapawid na katumbas ng 60,000 Mabuhay Miles kada taon.
Makatatanggap rin siya ng unlimited flights mula sa AirAsia sa loob ng limang taon.
Nagbigay rin ng P10 milyong halaga ng fully-owned condominium unit ang Suntrust Properties Inc. sa ilalim ng Andrew Tan’s Megaworld Corporation.
Bukod pa rito, isang nakaaaliw na offer ang binigay ng ‘tukayo’ ni Nesthy na Nestea corporation kung saan pagkakalooban nila ito ng mga produkto ng Nestle sa mapipiling Non-government Organization ni Nesthy sa pinagmulang bayan na Santa Cruz, Davao del Sur.
Si Petecio ang kauna-unahang babaeng sumabak sa Olympic boxing na nagkamit ng medalya para sa bansa.