
Nagkasundo ang mga miller at rice importers na itatakda sa 17 hanggang 21 pesos per kilo ang pagbili sa aning palay ng mga lokal na mga magsasaka.
Kasunod na rin ito ng pakikipagpulong ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel sw grupo ng mga rice millers at mga rice importers.
Sa pulong balitaan, sinabi ni DA Spokesperson at Assistant Secretary Arnel de Mesa, na batay sa napagkasunduan, bibilhin sa halagang 17 pesos ang wet palay habang 21 pesos naman para sa dried o tuyong palay.
Ani De Mesa, ipatutupad ito sa Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Bulacan, Pangasinan, Ilocos at sa iba pang lugar.
Aniya, layon nito na kumita ng malaki ang mga magsasaka at gawing abot kaya ang presyo ng bigas.
Batay sa monitoring ng DA, naglalaro sa 40-42 pesos ang kada kilo ng regular milled rice habang nasa 45 pesos ang kada kilo ng well milled rice.
Tiniyak naman ni De Mesa na patuloy ang pagdating ng imported na bigas kabilang na ang panibagong 300 thousand metric tons.
Inaasahan umanong makarating ito hanggang sa katapusan ng Pebrero para di sumabay sa harvest season ng local rice.










