Mga rider ng delivery services, pinabibigyang proteksyon ng Senado

Itinutulak sa Senado ang panukalang batas na nagbibigay proteksyon sa mga driver o rider ng food, grocery at pharmacy delivery services.

Tinukoy ni Senator Lito Lapid na mula nitong mag-pandemya kung saan ang karamihan ay nakaasa sa mga delivery services ay naging talamak naman ang hindi makatuwirang kanselasyon ng mga orders at fake deliveries.

Bukod sa nasasayang ang oras at pagod ng mga delivery riders ay sa mga ito pa kinakaltas ang mga kanselado o fake orders at karaniwang ang mga customers na gumawa nito ay hindi na matukoy dahil gumamit ng pekeng pangalan, contact number at address.


Sa Senate Bill No. 38 na inihain ni Senator Lito Lapid, ipagbabawal na sa mga food, grocery at pharmacy delivery service providers na obligahin ang kanilang mga delivery riders na mag-abono para mabili ang produkto.

Sa kaso naman ng mga kinansela pero kumpirmadong mga orders, ang service provider ang siyang magbabayad sa mga delivery rider o driver ng nararapat na service fee at ang service provider din ang may obligasyon na habulin at kolektahin ang bayad ng mga ‘cancelling customers’.

Hindi rin dapat maapektuhan ang karapatan ng mga delivery riders o drivers na makuha ang kanilang service fee sa anumang imbestigasyon na gagawin ng service providers kaugnay sa validity ng kinanselang order.

Facebook Comments