Mga ruta na dagsa ang mga pasahero tuwing rush hour, target ng libreng sakay ng Manibela ngayong Lunes

Tuloy-tuloy ang ginagawang libreng sakay ng transport group na Manibela ngayong Lunes.

Kasabay ito ng ikinasang Unity Walk ng mga pro-PUV Modernization kaninang umaga bilang pagtutol sa resolusyon ng Senado na suspendihin ang programa.

Ayon kay Manibela President Mar Valbuena, bukod sa pasasalamat ito at pagbawi sa mga pasahero ay layon din nitong masiguro na hindi mapaparalisa ang mga biyahe sa gitna ng naunang banta na kilos protesa ng ilang transport group.


Kaugnay nito, walang humpay ang dagsa ng mga pasahero sa mismong headquarters ng Manibela sa Nagtahan sa Maynila.

Samantala, ngayong gabi ay magtutungo sina Valbuena sa bahagi ng Heritage sa Pasay upang maghandog din doon ng libreng sakay kasabay ng rush hour lalo na’t dito ang dagsa ng mga pasahero.

Ayon kay Valbuena, susulitin nila ang pag-alok ng libreng sakay ngayong araw at bukas ay back to normal na ulit sila sa biyahe.

Kanina, daan-daang mga miyembro ng transport group na Angat Kooperatiba at Korporasyon ng Alyansang Pilipino para sa Modernisasyon (AKKAP MO) ang nagtipun-tipon sa Welcome Rotonda sa Quezon City bago magmartsa sa Mendiola malapit sa Malacañang.

Bukod sa pagmartsa, nagkasa naman ng strike o tigil-pasada ang ilang driver at operator sa San Jose del Monte, Bulacan; Antipolo at Montalban sa Rizal, Caloocan at Las Piñas.

Facebook Comments