Good news sa mga commuter dahil bubuksan na muli ang mga ruta ng jeep at bus na pinutol ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Matatandaang pinutol ng LTFRB ang maraming ruta noong nagsimula ang COVID-19 bilang pagtalima sa Road Rationalization plan.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Cheloy Garafil, ibabalik na nila ang 36 ruta ng bus at 100 ruta ng jeep at UV express.
Kasunod na rin ito ng paghahanda sa pagbabalik-eskwela ng mga estudyante kung saan nasa 28.5 milyon ang inaasahan ng Department of Education (DepEd) na bilang ng enrollees para sa School year 2022-2023.
Umaasa si Garafil na sa pamamagitan nito ay matutugunan nila ang biglang pagsipa sa dami ng commuters sa nalalapit na pasukan.
Sa kabila nito ay prayoridad aniya muna ng LTFRB ang mga rutang dumadaan sa University belt.