Ipagbabawal na sa lungsod ng Maynila ang mga “sabit” na pasahero sa mga pampublikong sasakyan.
Ito ay kasunod ng pagpasa ng City Ordinance 9003 o Bawal-sabit on public utility vehicle ordinance.
Sa ilalim ng ordinansa, mahigpit nang ipinagbabawal ang pagsabit ng mga pasahero sa mga tricycle, jeepney, at katulad na sasakyan na lagpas sa seating capacity.
Lagda na lamang ni Mayor Honey Lacuna at paglathala sa dalawang pahayagaan ang kailangan para maging epektibo ang ordinansa makalipas ang 15 araw.
Kasama rin sa mga ipinagbabawal ay ang paghawak ng mga nakabisikleta o rollerblades sa mga jeep para mabilis silang nahahatak nito.
Papatawan ng ₱500 multa ang mga lalabag na driver, konduktor, at pasahero sa 1st offense; habang ₱1,500 sa 2nd offense; at ₱3,000 at posibleng makulong ng hindi lalagpas sa isang buwan para sa 3rd offense.