Mga sakay ng BRP Suluan na hinabol ng bumanggang barko ng China, pinarangalan ng PCG

Ginawaran ng pagkilala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga tauhang sakay ng BRP Suluan.

Ito ay kaugnay sa ipinamalas na tapang, dedikasyon, at sakripisyo ng mga tripulante kasunod na rin ng panibagong insidente ng pangha-harass ng China na nauwi sa banggaan ng kanilang dalawang barko sa Bajo de Masinloc.

Pinangunahan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang awarding ceremony para sa BRP Suluan sa Pier 15, Port Area, Maynila kung saan pinasalamatan din niya ang West Philippine Sea Group sa mahusay na koordinasyon at impormasyon sa operasyon.

Hinikayat din nito ang mga tauhan na manatiling kalmado, propesyunal at matatag.

Ang pagpapadala ng BRP Suluan ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bantayan ang karagatang sakop ng Pilipinas at protektahan ang mga mangingisdang Pilipino.

Noong August 10, umalis ang BRP Suluan para magsagawa ng maritime patrol sa paligid ng Bajo de Masinloc.

Sakay ng barko ang 43 katao, kabilang ang mga miyembro ng Coast Guard Medical Service, Maritime Surveillance Team, Special Operations Force, Angels of the Sea at ilang miyembro ng media at Coast Guard public affairs service.

Facebook Comments