Naging makasaysayan ang ginawang flag raising ceremony ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa BRP Teresa Magbanua ngayong ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Ayon sa PCG, ginawa ang flag ceremony sa kabila ng banta ng mga nakapaligid na barko ng China na nasa pinag-aagawang teritoryo.
Kasalukuyang nasa Escoda Shoal ang nasabing barko ng PCG para magbantay sa patuloy na presensya ng Chinese militia at hinihinalang reclamation activities doon.
Sabi ni PCG Spokesperson Armand Balilo, walong barko ng China ang namataan sa loob ng Escoda Shoal habang may apat pa sa labas nito.
Kamakailan, lumabas sa pag-aaral ng University of the Philippines na halos isandaang porsyento nang patay ang coral reefs o mga bahura sa Escoda Shoal matapos ang isinagawang marine scientific survey.