Dapat na bantayang mabuti ng pamahalaan ang posibleng epekto ng tag-ulan sa kalusugan ng mga tao.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Former Adviser Dr. Anthony Leachon, ulan ang isa sa posibleng maging dahilan ng second surge ng virus.
Paliwanag ni Leachon, maaaring magdala ng mga sakit gaya ng dengue, flu at pneumonia ang ulan kaya madali ring kakapitan ng COVID-19 ang mga tao lalo na ang mga bata.
Aniya, una na niyang inalerto si Interior Secretary Eduardo Año ukol dito.
“Pag umulan po, alam niyo naman ang pupuntahan, evacuation center e baka magkaproblema po doon sa social distancing. Ang concern ko rito, pwedeng ang mga bata kapag nabasa, hindi COVID ang maging problema kundi tunay na sakit, flu or pneumonia tsaka dengue. So yung ulan po may bring second surge at magko-cause na ng other infections aside sa COVID,” paliwanag ni Leachon.
Samantala, hindi na bago para kay Leachon ang mga ulat na posibleng airborne ang transmission ng COVID-19.
Gayunpaman, pinaalalahanan niya ang publiko na lalong paigtingin ang pagsunod sa minimum health protocols para makaiwas sa sakit.
“Actually, alam na ho natin yan, na airborne yan. Ganon pa rin ang gagawin mo e. ‘Yung kombinasyon kasi ng 1-meter distancing, yung face mask natin at tsaka yung face shield, 99 percent yan protection ho e,” ani Leachon.