Baha pa rin sa ilang parte ng Arkong Bato Public Cemetery sa Valenzuela City bunsod ng ilang araw na pag-ulan.
Dahil dito, nilagyan ng mga sandbag ng pamunuan ng sementeryo ang bahang daanan na nagsisilbing tuntungan o apakan ng mga dadalaw sa yumao nilang mga mahal sa buhay.
May ilang mga matatanda at mga bata na hirap dumaan sa sandbag, kung kaya’t inaalalayaan na lamang sila para makatawid.
Kahit ganito ang sitwasyon sa nasabing sementeryo, hindi ito naging hadlang para bisitahin ang mga namayapa nilang mga mahal sa buhay.
Kanya-kanyang bitbit ng bulaklak at kandila ang mga bisita at kung minsan pa nga ay may dala silang pagkain na alay sa kanilang namatay na mahal sa buhay.
Kaninang alas-12 ng tanghali, nasa 300 katao ang nasa loob ng sementeryo kung saan inaasahang dodoble pa ito hanggang mamayang hapon.
Sa pagtaya ng Valenzuela City police, walang untoward incident na naitala rito simula pa kagabi at nanatiling mapayapa ang sitwasyon hanggang tanghali.
Mainit ang panahon kaya pinapayuhan ang mga bibisita sa Arkong Bato Public Cemetery na magdala ng tubig, payong at magsuot ng bota.