Mga sangkot sa balikbayan boxes delivery modus, pananagutin ng BOC

Nakikipag-ugnayan na ang Bureau of Customs (BOC) sa Department of Migrant Workers at Department of Trade and Industry-Fair Trade Enforcement katuwang ang Door-to-door Deconsolidators Association of the Philippines para panagutin ang mga nasa likod ng balikbayan delivery modus.

Ang hakbang ng BOC ay ikinasa matapos madiskubre na maraming balikbayan boxes mula sa Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nananatili sa pangangalaga ng Manila International Container Port (MICP).

Matatandaan una nang ipinag-utos ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na agad na ipamagi ang mga balikbayan boxes na nasa 19 na abandonadong containers sa mga pamilya ng mga OFW ngayong Christmas Season.


Ayon kay Ruiz, sinagot na mismo ng BOC ang gatos sa pag-proseso nito kung saan maaaring makipag-ugnayan ang pamilya ng OFW sa MICP – Auction and Cargo Disposal Division (ACDD) sa numerong 0960-939-9870 o kaya sa boc.cares@customs.gov.ph para makuha ang mga balikbayan boxes.

Paalala ni Ruiz sa mga OFWs na nais magpadala ng balikbayan boxes na siguraduhin na legit ang mga consolidators at deconsolidators o mga tatanggap at magpapadala ng kanilang kargamento upang hindi naman masayang ang kanilang pinaghirapan.

Sa kasalukuyam, handa na o ready for pick-up na ang mga balikbayan boxes sa mga warehouse sa Sta Ana, Manila at sa Balagtas, Bulacan kung saan magdala lamang ng mga kinakailangan dokumento para makuha ang mga ito.

Facebook Comments