Mga sangkot sa flood control corruption, walang ‘Merry Christmas’, siguradong makukulong bago mag-Pasko — PBBM

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguradong kulungan ang bagsak ng mga sangkot sa maanomalyang flood control projects bago mag-Pasko.

Sa press briefing sa Malacañang, mariing sinabi ng pangulo na “hindi magiging merry ang Christmas” ng mga ito dahil tapos na umano ang kanilang maliligayang araw sa pag-abuso sa pondo ng gobyerno.

Sa datos ng pangulo, tatlong contractor ang sinamapahan ng reklamong kriminal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Office of the Ombudsman, kabilang ang St. Timothy Construction ng mag-asawang Discaya, Wawao Builders, at Syms Construction Trading.

Dalawampu’t lima naman ang inireklamo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman, kabilang ang mga opisyal ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office na sina Henry Alcantara at Brice Hernandez, at mga contractor, gaya ng mag-asawang Curlee at Sarah Disacaya.

Inirekomenda na rin aniya ng ICI sa Ombudsman na masampahan ng kasong kriminal at administratibo ang tatlumpu’t pitong (37) indibidwal, kabilang ang ilang dating DPWH officials, contractors, at mga mambabatas gaya nina Sen. Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, dating Rep. Zaldy Co, dating DPWH Sec. Manny Bonoan, at iba pa.

Kaugnay nito, inalatag din ng Pangulo ang tatlong buwang timeline na ginagawa ng pamahalaan sa flood control probe.

Bukod sa pagsasampa ng kaso, tinututukan aniya ng pamahalaan ang pagpapanagot sa lahat ng sangkot at mga kasabwat, pagbawi ng gobyerno ang lahat ng pondong ninakaw, at pagpapatupad ng malalim na reporma para hindi na maulit ang ganitong klase ng korapsyon.

Facebook Comments