
Naghain na ang Department of Education (DepEd) Central Office ng pitong kaso laban sa mga private schools na sangkot sa tinaguriang ‘ghost’ Senior High School voucher claims.
Ayon sa DepEd, nagsampa rin sila ng criminal charges laban sa mga indibidwal na napatunayang nag-claim ng subsidiya para sa mga hindi kwalipikado o fictitious na voucher beneficiaries.
Inihayag ng ahensya na aabot sa ₱37.58 milyon ang kabuuang halaga ng mga kasong kanilang isinampa.
Tiniyak naman ni Education Secretary Sonny Angara na binago na ng DepEd ang sistema upang maiwasan ang kahalintulad na anomalya.
Kung dati aniya ay agad na binabayaran o binibigyan ng advance ang mga private schools, ngayon ay tinitiyak muna ng DepEd na aktuwal na naka-enroll ang learner bago ilabas ang pondo.
Kinokolekta na rin aniya ang learner reference number at nagpapatupad ng mas mahigpit na safeguards sa antas ng paaralan at ng DepEd.
Dagdag pa rito ang cross-checking ng Voucher Management System at Learner Information System, pagresolba ng data discrepancies, post-audit monitoring visits sa mga participating private schools, site inspections sa field offices, at revalidation ng learner eligibility at enrollment status sa ikalawang semestre.










