Pinapapatawan ng mabigat na parusa ang mga dawit sa “hoarding, profiteering, cartel at price manipulation” sa mga produktong bigas sa bansa.
Isinusulong ni Committee on Appropriations Chairman Eric Yap sa House Bill 10514 na maprotektahan ang mga local farmer at consumers lalo na ang rice industry laban sa mga mananamantala.
Ipinunto sa panukala na ang mga nabanggit na iligal na aktibidad ay banta sa lokal na industriya dahil ang mga madadayang rice traders at importers lamang ang nakikinabang.
Sa oras na maging ganap na batas, ang mga mapapatunayang sangkot sa mga iligal na gawain sa rice industry ay papatawan ng ₱5 million na multa at pagkakakulong ng hindi bababa sa 6 na buwan hanggang 12 taon, at kapag ikalawang paglabag ay madodoble naman bilang ng parusa.
Ang mga makukumpiskang produktong bigas naman ay ipapamahagi ng gobyerno para sa “relief” o tulong sa mga nangangailangan gaya ng mga apektado ng kalamidad, giyera at kahalintulad o kaya’y ibebenta sa pamamagitan ng mga accredited na palengke at ang kita mula rito ay ilalaan sa mga programa para sa mga lokal na magsasaka.