Mga sangkot sa iligal na pagpapalabas ng resolusyon sa pag-aangkat ng asukal, sisibakin sa pwesto kung may sapat na ebidensya – Malakanyang

Sisibakin sa pwesto ang mga sangkot sa iligal na pagpapalabas ng resolusyon para sa pag-aangkat ng asukal, kung sakaling makahanap ng sapat na ebidensya laban sa mga ito.

Ito ang reaksyon ng Malakanyang kaugnay sa panawagan ni Senador Imee Marcos kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na agarang i-reshuffle ang high-ranking agriculture officials.

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng palasyo sa nangyaring illegal signing ng Sugar Order No.4 na naglalayong mag-angkat ng 300,000 metrikong tonelada ng asukal.


Sinabi pa ni Angeles, na sa ngayon ay hindi pa masasabi ng Palasyo kung gaano katagal ang gugugulin para matapos ang imbestigasyon pero kung magiging mabilis aniya ito ay asahang magkakarooon ng mga kapalit sa mga matataas na pwesto sa Sugar Regulatory Administration (SRA) Board at Department of Agriculture (DA).

Hindi rin aniya kumbinsido si Angeles na nagkaroon ng miscommunication sa ibinabang direktiba kamakailan ni Executive Secretary Victor Rodriguez.

Giit ni Angeles, malinaw ang utos ni Rodriguez sa DA at SRA na maglatag ng importation plan, upang malaman kung ano ang magiging epekto ng pag-aangkat sa panahon ng anihan sa Setyembre.

Facebook Comments