Mga sangkot sa pag-iisyu ng ‘ghost receipts’ at paggawa ng ‘fake transactions’, kinasuhan na

Kinasuhan na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga sangkot sa pag-iisyu ng ‘ghost receipts’ at paggawa ng ‘fake transactions’.

Sa pagdinig ng 2024 budget ng Department of Finance, ikinabahala ni Senator Sherwin Gatchalian ang paglobo ng halaga ng ‘ghost receipts’ na aabot sa P1.3 trillion na tiyak na nakaapekto na sa koleksyon ng gobyerno at sa taxpayers na tapat sa pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo.

Kinumpirma ni BIR Commissioner Romeo Lumagui na nakapaghain na sila ng kaso laban sa buyers ng ‘ghost receipts’ na aabot sa P17.9 billion.


Maliban sa corporate buyers, kasama sa kanilang sinampahan ng reklamo ang ghost corporations o iyong mga nagbebenta ng ‘ghost receipts’ na aabot naman sa P25.5 billion ang halaga.

Sa ngayon, apat na pinakamalalaking ghost corporations at tatlong pinakamalalaking corporate buyers na ang nakasuhan ng BIR.

Sinabi pa ni Lumagui na mayroon pa silang dine-develop na mga kaso laban sa sellers at buyers partikular na ang mga hindi nakikipagtulungan sa kanila.

Aniya pa, may ilan ang nagpahayag na magbabayad na lang ng tamang halaga kaya makakakolekta mula rito ang gobyerno.

Nilinaw naman ni Lumagui na ang mga nabanggit na ‘ghost receipts’ ay iba pa sa ‘fake receipts’ dahil ang ghost corporations na nag-iisyu nito ay lehitimo at nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) at sa BIR.

Paliwanag ng Commissioner, ang maituturing na peke rito ay ang mga transaksyon na pinaggamitan ng inisyung resibo na ginagamit ng corporate buyers para gawing deductions sa binabayarang income tax sa gobyerno.

Facebook Comments