Mga sangkot sa pagkamatay ni Horacio Castillo III, inilagay na sa Immigration Lookout Bulletin Order

Manila, Philippines – Inilagay na sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity na itinuturing na persons of interest sa pagkamatay ni Horacio Tomas Castillo III, ang freshman law student ng University of Santo Tomas.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, ang mga pulis na nag-iimbestiga sa kaso ang nagbigay kay Undersec. Erickson Balmes ng pangalan ng mga itinuturing na persons of interest.

Kabilang dito sina Arvin Balag, Mhin Wei Chan, Marc Anthony Ventura, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Jason Adolfo Robiños, Ralph Trangia, Ranie Rafael Santiago, Danielle Hans Mattew Rodrigo, Carl Mattew Villanueva, Aeron Salientes, Marcelino Bantang, Zimon Padro, Jose Miguel Salamat at John Paulo Solano.


Si Solano ang sinasabing nagdala sa ospital kay Atio at itinuturong ngayon ng Manila Police District bilang principal suspect sa krimen.

Sa ilalim ng ILBO, inaatasan ng DOJ ang Bureau of Immigration personnel sa lahat ng paliparan at pantalan sa bansa na agad ipagbigay alam sa kinauukulan sakaling may magtangkang lumabas ng bansa sinoman sa mga ito.

Umapela naman si Justice secretary Vitaliano Aguirre sa mga inilagay sa Immigration Lookout Bulletin Order na lumutang na at linisin ang kanilang pangalan.

Muli namang nilinaw ng DOJ na handa silang magbigay ng tulong sa pamilya Castillo para sa ikalulutas ng kaso.

Si Usec. Balmes ay una na ring pumunta sa burol ni Castillo para mag-alok ng tulong sa pamilya ng UST student.

Facebook Comments