Nakarating na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagkakasakote ni Sheila Guo at Cassandra Ong, kaya naman magkakabistuhan na kung sino ang nagpalusot para makatakas ng bansa si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa ambush interview sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Marcos na inaasahang darating ang mga ito ngayong araw mula sa Indonesia.
Tuloy-tuloy rin aniya ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa Indonesian government at iba pang ahensya hanggang sa makabalik ang dalawa sa bansa.
Sa unang direktiba ng pangulo, kailangang mapabalik sa bansa sa lalong madaling panahon si Guo at iba pa nitong mga kasabwat.
Nagbabala rin si Pangulong Marcos na ilalantad ng pamahalaan at mahaharap sa pinakamataas na antas ng parusa sa batas ang mga nasa likod ng pagtakas ni Guo.
May nauna na ring kautusan ang Malacanang sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ) na gawin ang mga nararapat na aksyon para makansela ang pasaporte ni Guo at iba pang indibidwal.
Samantala, sinabi naman ni Executive Sec. Lucas Bersamin na ipinau-ubaya na niya sa PAOCC at DOJ ang pagkokomento hinggil sa isyu para sa iisang pahayag.