
Nagpasalamat si Iloilo City Rep. Julienne “Jam” Baronda sa mabilis na tugon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa isiwalat nya sa pamamagitan ng privilege speech sa session ng Kamara na ginawang modus ng ilang opisyal ng barangay ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program sa kanilang lugar.
Pinuri ni Baronda ang agad na pagsasampa ng DSWD ng kasong administratibo sa mga sangkot umano sa panloloko at pag-abuso sa AICS program.
Base sa impormasyon ni Baronda, kinakaltasan umano ng ilang tiwaling opisyal ng barangay ang ₱10,000 na AICS benefit kaya nasa ₱1,000 hanggang ₱2,000 na lang ang napupunta sa mga benepisyaryo.
Para kay Baronda, bukod sa administratibong pananagutan ay dapat maharap din ang mga salarin sa mga kasong kriminal lalo na ang utak ng naturang modus.
Bunsod nito ay hinikayat din ni Baronda ang DSWD na imbestigahan ang iba pang kahalintulad na insidente noong 2024 upang matiyak na hindi na maulit ang naturang anumalya at mabibigya ng proteksyon ang mga benepisyaryo.
Pinayuhan naman ni Baronda ang mga nabiktima ng panloloko sa ilalim ng AICS program na magsumbong sa mga tanggapan ng DSWD.









