Mga sasabihin ni Cassandra Ong sa pagdinig ng quad committee, mahalaga ayon sa mga kongresista

Alas-9:30 ngayong umaga nakatakda ang pagpapatuloy ng pagdinig ng quad committee ukol sa extra-judicial killings, war on drugs at mga krimen na konektado sa Philppine Offshore Gaming Operators (POGO).

Inaasahan ang pagharap sa pagdinig ni Cassandra Li Ong na nasa kustodiya ng Kamara matapos mahuli sa Indonesia at maibalik sa bansa.

Matatandaan na si Ong ay na-cite in contempt ng komite ng Kamara matapos ang paulit-ulit na hindi pagsipot sa imbestigasyon kaugnay ng Lucky South 99, ang POGO hub sa Porac na ni-raid kamakailan.


Ayon kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na siyang overall chairperson ng quad committee, mahalaga ang sasabihin ni Ong sa pagdinig dahil sya ang link sa Lucky South 99 at iba pang illegal POGO hubs na sinalakay ng mga awtoridad.

Para naman kay Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., mahalaga si Ong upang masagot ang koneksyon ng dating spokesman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Harry Roque sa Lucky South 99.

Magugunita na unang sinabi ni Roque sa pagdinig na wala itong kinalaman sa Lucky South 99 at ang kanyang kliyente ay ang Whirlwind Corporation na nagpapa-upa sa naturang POGO.

Facebook Comments