
Tinutugis na ng Philippine National Police (PNP) ang mga scammer na nagpapanggap na matataas na opisyal kabilang rito ang nagpakilalang si Acting PNP Chief Nartatez.
Kasunod ito ng insidente sa Pampanga kung saan naaresto ang dalawang indibidwal na nagpapanggap bilang hepe ng Philippine Army na si Lt. Gen. Roy Galido.
Dahil dito ay nagbigay ng babala ang PNP na maaaring subukan ng mga scammer na manghingi ng pera, gift cards, o personal na impormasyon mula sa kanilang mga biktima.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt.General Jose Melencio Nartatez Jr., laging alamin ang pagkakakilanlan ng sinumang nagsasabi na sila ay isang opisyal ng gobyerno at huwag agad maniwala sa tawag o text lalo na kung ito ay humihingi ng pera o personal na impormasyon.
Kaugnay nito ay inatasan na rin ni Nartatez ang mga local police units na paigtingin ang mga hakbang para mapigilan ang mga nasabing indibidwal.
Dagdag pa nya, na handa ang PNP na masampahan ng kaukulang kaso ang sinumang mahuhuling nagpapanggap na mga opisyal ng gobyerno.










