Mga school principal, mayroong awtoridad na magkansela ng klase kung sobrang mainit ang panahon-senador

Ipinaalala ni Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa principals ng mga paaralan sa bansa na may kapangyarihan o awtoridad ang mga ito na magkansela o magpatupad ng suspensyon ng klase kapag sobrang mainit ang panahon.

Kasunod na rin ito ng babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na may tyansang pumalo sa 50 degrees celsius ang temperatura sa ilang lugar sa bansa ngayong panahon ng tag-init o summer.

Paliwanag ni Gatchalian, kanyang ni-review ang umiiral na Department Order ng Department of Education (DepEd) at nakasaad dito ang responsibilidad ng mga school principal na unahin ang kapakanan ng mga estudyante.


Hindi na rin aniya kailangan ng ibang kautusan o polisiya para magpatupad ng class suspension ang isang principal dahil ito ay nakasaad naman sa Department Order.

Aniya, pinapayagan sa ilalim ng Department Order na magkansela ng klase ang isang principal kung nakikita na sobrang init, may malakas na bagyo o may nangyayaring hindi maganda sa eskwelahan.

Pero, ito ay depende dahil hindi naman lahat ng lugar ay sobrang mainit ang klima kaya bago magsuspindi ng klase ay kailangan muna ng mga principal na tingnan ang klima o weather forecast sa araw na iyon.

Sinabi pa ni Gatchalian na kung papalo ng 40 degrees celsius pataas ang klima ay maaaring magdesisyon ang isang principal na magkansela ng pasok ng mga mag-aaral.

Bukod dito, maaari rin aniyang magpatupad ng blended learning ang isang paaralan para hindi masayang ang isang araw na walang pasok ang mga estudyante at yan ay pinapayagan na rin ngayon ng DepEd.

Facebook Comments