MGA SCHOOL PRINCIPAL, PINAALALAHANAN KAUGNAY SA FALSE ALARM

Nanawagan si Schools Division Superintendent Dr. Alfredo Gumaru Jr. ng Schools Division Office (SDO) Cauayan City sa mga punong-guro ng paaralan na maging alerto at mapagmatyag sa mga natatanggap na impormasyon mula sa mga estudyante.

Kasunod ito ng nag-viral na social media post ng isang Grade 10 student na umano’y muntik raw makidnap ng mga kalalakihan na sakay ng kulay maroon na sasakyan sa daan malapit sa gilid ng Cauayan City National High School kamakailan.

Pero kalaunan ay umamin din ang bata sa kapulisan na walang katotohanan at gawa-gawa lamang niya ang sinabing muntik itong makidnap dahil nais lamang daw na mabigyan ito ng pansin ng kanyang magulang.

Ayon kay Dr. Gumaru, palaisipan din sa kanya kung bakit ito nagawa ng estudyante kaya bilang inisyal na tugon ay magkakaroon na ng regular na kumustahan sa mga mag-aaral na nangangailangan ng kalinga para malaman din ang kanilang sitwasyon para maiwasan ang naturang insidente.

Sa libo-libong bilang ng mga estudyante ay hindi na aniya nila makontrol ang kaisipan ng bawat mag-aaral. Humingi naman ito ng pasensya sa kapulisan matapos na madamay dahil sa insidente.

Hiniling din ni Gumaru ang tulong sa pagbabantay ng mga barangay officials para sa kaligtasan ng mga mag-aaral at tiniyak rin na hindi na mauulit ang insidente na ikinaalarma ng publiko.

Samantala, nakikiusap naman si City Councilor Gary Galutera, Committee Chair on Education, sa mga school Principals na maging aware sa mga isyu at kung mayroon mang problema o gustong iparating ang isang estudyante ay itawag na lamang sa concerned person para agad din itong matugunan at nang hindi na kumalat at makarating sa National.

Facebook Comments