Nangangamba ang ilang mga school service operators na malulugi sila sa limitadong estudyante na pwedeng isakay alinsunod sa umiiral na COVID-19 restrictions.
Pahayag nila ito kasunod ng paglilimita ng ilang paaralan sa 10 pasahero ang maaari nilang isakay sa kanilang sasakayan at ang no vaccination, no ride policy sa mga estudyante.
Ayon sa mga school operators, posibleng hindi nila kayanin ang gastusin lalo na may mga estudyante pa kasing sinasamahan ng kanilang mga magulang o legal guardian hanggang sa pagpasok ng eskwela.
Nilinaw naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na exempted ang mga school service sa expanded number coding dahil pasok ang mga ito sa kategoriyang public utility vehicles habang pupuwede rin silang mag-operate sa 100% seating capacity.
Dahil dito ay umapela ang National Alliance of School Service Operators na maglabas ng kautusan ang LTFRB hinggil sa pagtanggal sa seating capacity at sa hindi pag-require no vaccination, no ride policy na siyang magiging gabay ng paaralan sa paggawa ng kanilang polisiya sa pag-ooperate ng school service.