Mga seafarers, libreng nabakunahan laban sa COVID-19 sa tulong ng Vax Express ni VP Leni

Nagpatuloy ang libreng programang Vaccine Express ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo Martes, Enero 25, sa Mall of Asia cinemas sa Pasay City. Ang layunin nito ay ang magbigay ng una, pangalawa, at mga booster shots ng bakuna sa halos isang libong seafarer na sumasailalim sa mga kategoryang B3 at B5.

Pinangunahan ito ng Office of the Vice President (OVP) at Health Metrics, Inc. (HMI), isang kaakibat ng OVP sa Angat Buhay program. Nakipag-ugnayan din si Angkla Partylist Rep. Jesulito Manalo kay VP Leni para sa kaniyang tulong sa pagpapabakuna sa mahigit-kumulang 800 na seafarer na kinakailangan para sa kanilang deployment. Ang HMI ang naghanda ng listahan ng mga magpapabakuna, na hango mula sa mga iba’t ibang mga seafarer agency.

Ang mga nabakunahan ay nabigyan rin ng mga post-vaccination kits mula sa OVP at HMI. Kasama sa kit na ito ay mga disinfectant tulad ng alcohol at hand sanitizer, mga sabon, baby wipes at cotton buds, bottled water, face masks, at mga pakete ng paracetamol at vitamins.


Sa isang panayam sa Dipolog nuong Lunes, ika-24 ng Enero, sinabi ni VP Leni na sinusubukan niya at ng OVP “to fill in the gaps” sa tugon ng pamahalaan sa pandemya.

Bagama’t maraming pagkukulang sa tugon ng pamahalaan, naniniwala si VP Leni na kaya itong pagtulung-tulungan ng lahat.

“Ako very hopeful ako na pag pinagtulung-tulungan natin, hindi pa naman huli. Marami pa tayong pwedeng magawa. And ‘yung opisina namin ‘yung ginagawa talaga namin trying to fill in the gaps,” ani VP Leni.

Dagdag pa niya: “Alam natin na parang binulaga tayo nitong pandemic hindi natin inaasahan na ganito ‘yung gravity ng epekto sa atin. Pero ngayon kasi marami na tayong lessons eh, marami nang lessons especially from the better performing countries na hindi na tayo kailangan mangapa gaya noong pangangapa natin noong 2020.”

 

Facebook Comments