Mga secretary ng DOTr, DHSUD at NEDA, lusot na sa plenary approval ng Commission on Appointments; ilang government officials, bypassed na

Nakahabol sa pag-apruba sa huling araw ng sesyon ng Commission on Appointments (CA) ang ilang mga opisyal na itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos sa gabinete.

Kabilang sa mga inaprubahan ng Commission ngayon sa plenaryo ang ad interim appointment ng tatlong cabinet secretaries na sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Acuzar at National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.

Lusot na rin sa CA ang appointment nina Commission on Elections (COMELEC) Commissioners Nelson Celis at Ernesto Maceda Jr.


Kasama rin sa nakumpirma ng CA ang anim na foreign service officers ng Department of Foreign Affairs (DFA) at 54 senior officers at generals ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Samantala, dahil ito na ang huling araw ng sesyon ng CA para sa taong 2022, bypassed nang maituturing sina Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo at Philippine Representative to World Trade Organization (WTO) Manuel Teehankee.

Maaari pa rin namang sumalang ang mga ito sa CA basta’t mare-reappoint muli ni Pangulong Marcos.

Facebook Comments