Isang kautusan ang pinirmahan ngayon ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez na naglalayong madagdagan pa ang mga nagbabantay sa seguridad sa lungsod.
Ito’y sa kabila ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil na rin sa banta ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Ang Executive Order no. 2020-030 kung saan ang mga tauhan ng mga private detective agency, mga guwardiya at mga tanod ay magsisilbing force multipliers.
Makakatuwang nila ang Parañaque Philippine National Police (PNP) kung saan hindi lamang sila magbabantay sa mga checkpoints kung ‘di mag-iikot din sila sa kada barangay sa lungsod.
Mismong si Parañaque PNP Chief Police Colonel Robin King Sarmiento ang mamumuno sa kanila upang masiguro na hindi maabuso ang inilabas na kautusan ng Lokal na Pamahalaan ng Parañaque.
Umaasa si Mayor Olivarez na sa pamamagitan nito ay masisigurong masusunod ng mga residente ang ipinapairal na ECQ lalo na’t mahigpit itong kautusan ng pamahalaan partikular ni Pangulong Rodrigo Duterte.