Mga sekyu, binalaan ng PNP-SOSIA na wag harangin ang inspeksyon sa mga casino

Hinaharang ng ilang security guards ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) monitoring team sa tuwing sila’y nagsasagawa ng regular na inspeksyon sa mga establisimiyento ng mga lisensyadong operator ng sugal.

Ito ang natanggap na ulat ng Philippine National Police – Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) base na rin sa reklamo ni Ret. PBGen. Raul Villanueva, Senior Vice President ng PAGCOR Security and Monitoring Cluster, kung saan ilang beses na silang pinigilan ng mga naka-duty na guwardiya na pumasok sa mga pasugalan para magsagawa ng inspeksyon.

Dahil dito, pinaalalahanan ni PBGen. Marlou Roy Alzate, hepe ng PNP-SOSIA, ang lahat ng Private Security Personnel, Security Agencies, at Company Guard Forces na obligasyon ng mga guwardiya na tumulong sa mga law enforcer gaya ng PAGCOR, batay sa Section 245 ng IRR ng Republic Act No. 11917.

Babala ni Gen. Alzate sa mga sekyu na mapaparusahan ang sinumang humadlang sa inspeksyon ng PAGCOR sa mga pasugalan sa bansa.

Facebook Comments