
Ibinunyag ni Senator Ping Lacson na aabot sa P5 billion hanggang P10 billion ang pork barrel ng ilang mga senador habang P15 billion naman ang pork barrel ng ilang mga kongresista.
Malayo ito sa noo’y P200 million na pork barrel ng mga senador at P70 million na pork barrel ng mga kongresista bago idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Kabilang lamang ito sa mga napuna ni Lacson sa kwestyunableng paglalatag ng taunang pambansang pondo ng gobyerno.
Inihalimbawa pa ni Lacson ang hindi makatwiran at baluktot na alokasyon para sa mga flood control projects na nagbabalik “with a vengeance” o may paghihiganti.
Bago aniya matapos ang kanyang termino noong 2022, tiniyak niyang maalis ang appropriation para sa dredging at flood controls na nagiging ugat ng katiwalian ng mga opisyal.
Napag-alaman ng senador na mayroong maliit na barangay sa isang maliit na bayan ang nabigyan ng P1.9 billion para sa flood control project at mayroong isang maliit na bayan na may ilog na nabigyan ng P10 billion flood control project na siyang tatanungin ni Lacson sa budget hearing kung ano na ang nangyari.









