Mga senador at si PBBM, magkakasama sa dinner ngayong gabi; inaprubahang resolusyon para igiit ang karapatan sa WPS, idudulog kay PBBM

Magkakasama sa isang private dinner ngayong gabi ang mga senador at si Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, lahat ng senador kasama ang minority bloc ay imbitado sa hapunan kasama ang pangulo.

Paglilinaw naman ni Zubiri, ang naturang dinner ay casual lamang at hindi naman para sa trabaho.


Magkagayunman, sinabi ni Zubiri na babanggitin niya sa pangulo ang pinagtibay nila na resolusyon na nagpapahayag ng mariing pagkundena ng Senado sa patuloy na harassment at panghihimasok ng China sa West Philippine Sea (WPS).

I-u-update lamang aniya nila ang pangulo tungkol sa nilalaman ng resolusyon kabilang ang mga inirekomendang options na maaaring gawin ng executive branch sa paggiit ng ating karapatan sa teritoryo.

Kabilang na rito ang patuloy na pagdala ng isyu sa atensyon ng international community; paggamit ng international fora para makakuha ng suporta sa pagpapatupad ng The Hague ruling; ang paghahain ng gobyerno ng Pilipinas ng resolusyon sa United Nations General Assembly para mapahinto na ang China sa ginagawang pambu-bully sa bansa; at ang pagpapatuloy ng iba pang diplomatikong paraan na sa tingin ng DFA ay makakatulong para i-assert ang ating karapatan sa WPS.

Sa kabilang banda, tiniyak naman ni Zubiri na kanilang igagalang ang desisyon ni Pangulong Marcos dahil batid nilang kailangang balansehin ng presidente ang pagbibigay proteksyon sa soberenya at teritoryo ng bansa at ang pagiging diplomatiko sa pagitan ng China.

Facebook Comments