Isinasagawa ngayon ang virtual hearing ukol sa panukalang ABS-CBN franchise renewal ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ng vice chairman nito na si Senator Sherwin Gatchalian.
Bago ang pagdinig ay isang liham ang dinala ni Atty. Larry Gadon sa liderato na humihiling na mag-inhibit sa gagawing pagtalakay at botohan sa usapin ng prangkisa ng ABS-CBN ang siyam na senador at ang iba pang mga senador na lumagda sa resolusyong may kaugnayan sa prangkisa ng nabanggit na network.
Kinabibilangan ito nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senators Ralph Recto, Pia Cayetano, Francis “Kiko” Pangilinan, Manny Pacquiao, Lito Lapid, Bong Revilla, Grace Poe at Sonny Angara na ngayon ay patuloy na nakikibahagi sa virtual hearing maliban kay Senator Poe na noon pa nagpasyang mag-inhibit.
Ipinunto ni Gadon na ang nabanggit na mga senador ay mayroon daw financial interest sa network, o kaya ay talent o may kaanak na talent ng network, habang ang mga senador naman na lumagda sa isang resolusyong pabor sa prangkisa ay nagkaroon na ng prejudgment o pagkiling sa network.
Paglilinaw ni Senator Angara, wala siyang anumang interes sa network habang ang kanyang misis ay hindi naman opisyal ng kompanya kundi regular na empleyado lamang.
Ayon kay Senate President Tito Sotto, walang dahilan para siya mag-inhibit dahil wala naman siyang financial interest sa network at hindi siya stockholder nito.
Binigyang diin pa ni Sotto na bahagi siya ng Kongreso at kasama sa utos sa kanila ng Konstitusyon na aksyunan ang mga panukalang batas ukol sa prangkisa.
Dagdag pa ni Sotto, kapag nag-inhibit siya, ay baka manghinayang si Gadon dahil marami siyang tanong sa network.
Ipinaliwanag naman ni Pangilinan na wala siyang nakikitang pangangailangan na patulan o sagutin si Gadon.
Bagama’t hindi kasama sa pinag-iinhibit ay ikinatwiran naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na walang batayan ang hirit ni Gadon dahil sila ay political body at ang inhibition ay personal na desisyon at hindi pwedeng idikta o ipilit sa kanila.