Manila, Philippines – Ikinadismaya ng mga senador ang naging asal at mga hakbang ng mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity na humarap sa pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa hazing at pagkamatay ng freshman UST law student na si Horacio Tomas Atio Castillo III.
Ayon sa chairman ng komite na si Senator Panfilo Lacson, inabuso ng frat members ang pag-invoke ng right against self-incrimination kahit sa simpleng tanong na hindi naman magpapahamak sa kanila.
Hindi rin nagustuhan ni Lacson ang ginawa ng mga frat members sa kanilang ka-brod na si John Paul Solano na basta na lang nila iniwan sa Chinese General Hospital kung saan dinala ang walang malay at medyo matigas ng katawan ng biktima.
Binatikos naman ni Senator Grace Poe ang patuloy na pagpapatupad ng “code of silence” ng mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity at pagtangging makipagtulungan sa imbestigasyon ukol sa pagkamatay ni Atio.
Sabi pa ni Senator Poe, malinaw na hindi sinusunod ng frat members ang kanilang moto na ‘do no injustice, suffer no injustice.’
Tumanggi din halos lahat ang mga frat members na sangkot sa kaso nang hikayatin sila ni Senator Sherwin Gatchalian na sumailalim sa DNA testing.
Sa pagdinig ay binasa ni Senator Joel Villanueva, ang palitan ng mensahe sa facebook group chat ng frat members at malinaw dun ang kasunduan na pagtatakip sa nangyari kay Atio para iligtas ang kanilang mga sarili sa kaso.
Sa pagsisimula naman ng pagdinig ay nasermonan ni Senator Juan Miguel Zubiri si Solano dahil sa hindi agad nito pagsumite ng kanyang ipinangakong sworn affidavit na syang nagtulak sa senado para isapubliko na ang mga testimonya nito sa isinagawang executive session.
Sa kanya namang tweet message ay idinaan ni Senate Majority Leader Tito Sotto III ang pagkadismaya sa biro na ipagbabawal na niya ang mga abogado sa pagdinig ng Senado.
Sabi ni Sotto, hindi rin matatapatan ng pagkulong ng Senado kay Arvin Balag, ang sinapit ni Atio.