Mga senador, duda na maraming Pilipino ang babiyahe na sa abroad maliban na lang kung kinakailangan

Okay lang at walang nakikitang problema ang mga senador sa pagtanggal ng pamahalaan sa suspension sa non-essential travel.

Gayunpaman, duda si Senate President Pro Tempore Ralph Recto na marami ng Pilipino ang magta-travel sa abroad maliban na lang kung talagang kailangan.

Paliwanag ni Recto, mahalaga na talagang magbukas ang ating ekonomiya pero dapat maproteksyunan ng gobyerno ang kalusugan ng publiko para magkaroon sila ng kumpiyansa na muling magtrabaho, magnegosyo at mamili.


Pasado rin kay Senator Panfilo Ping Lacson ang pasya ng pamahalaan basta maipatupad ng mahigpit ang mga health protocols partikular ang pag-quarantine sa lahat ng dumarating sa bansa.

Pero sabi ni Lacson, sino naman ang mae-enganyong magbiyahe na sa ibang bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ipinaalala naman ni Senator Francis Tolentino sa mga babiyahe na mayroon ding mga protocols na ipinapatupad ang ibang bansa na kanilang pupuntanan tulad ng pagsasailalim nila sa 14 na araw na quarantine.

Iginiit naman ni Senator Sonny Angara sa pamahalaan na maging maingat at piliing mabuti ang mga papayagang pumasok sa bansa dahil karaniwang sila ang nagdadala ng virus.

Diin ni Angara, dapat ipatupad ng mahigpit ang quarantine protocols sa lahat ng darating at babalik na pasahero.

Facebook Comments