Mga senador, dudang naawat na ang pagdami ng COVID-19 cases

Diskumpyado ang ilang senador sa sinabi ng isang epidemiologist ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na flattened na ang curve o napipigilan na ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Hirap si Senator Risa Hontiveros, na ito ay tanggapin lalo’t hindi pa naisasagawa ang target na mass testing para talagang maawat ang pagkalat ng virus.

Itinuturing naman ni Senator Koko Pimentel, na wishful thinking ang pahayag na na-flatten na ang curve dahil taliwas ito sa ipinapakita ng graph na patuloy pang nadadagdagan ang tinatamaan ng virus.


Giit naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, paano masasabing nangyayari na ang flattening the curve kung hindi pa naisasagawa ang malawakang mass testing.

Napakalinaw para kay Lacson at kay Senate Minority Leader Franklin Drilon na patuloy pang umaakyat ang bilang ng COVID-19 cases araw-araw sa halip na bumaba.

Kaugnay nito ay umaasa si Drilon na bibigyan ng mabigat na konsiderasyon ang buhay at kalusugan ng mamamayan sa pagpapasya kung Enhanced Community Quarantine (ECQ) o General Community Quarantine (GCQ) ang ipapatupad sa isang lugar.

Facebook Comments